Ni Mar Gabriel
Eagle News Service
(Eagle News) — Naghain na ng motion for reconsideration sa Department of Justice ang Philippine National Police para iapela ang pagbasura sa drug case laban sa self- confessed drug lord na si Kerwin Espinosa at sa umanoy drug lord na si Peter Lim.
Ayon kay PNP chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa, gagawin nila ang lahat ng legal na hakbang para mapanagot ang mga akusado.
“We will use all our legal remedies na mapapanagot natin sila. So naka-MR yan sa prosecution,” ayon ka Dela Rosa.
Base sa resolusyon ng DOJ, kulang ang mga ebidensya na inihain ng PNP para patunyan ang umano’y sabwatan ni Espinosa, Lim at 20 iba pa sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison.
Pero sa harap nito, kumpyansa si CIDG chief Police Director Ruel Obusan na may merito ang kanilang kaso at maipapanalo pa rin ito sa korte.
“We believe may merit yung kaso namin dahil nag-file kami ng MR and now it is being looked into and we are still very positive that we will win. We can file the case,” sabi pa ni Obusan.
Sa ngayon patuloy daw ang ginagawang pangangalap ng PNP ng mga karagdagang witness at ebidensya para mas mapalakas pa ang kaso laban kina Espinosa at sa 20 iba pa na nahaharap sa kasong illegal drug trade.
Tiwala naman si Police Chief Inspector Jovie Espenido na hindi makakaapekto ang resolusyon ng DOJ sa kasong kinakaharap ni Kerwin Espinosa sa Leyte.
Matibay daw kasi ang mga hawak nilang ebidensya at mga testigo matapos ang nangyaring engkwentro kung saan anim sa mga tauhan nito ang napatay nang magsagawa sila ng raid sa bahay ng mga Espinosa.
(Eagle News Service)