PNP, nagpatupad ng balasahan sa mga opisyal na isasabak sa war on drugs

MANILA, Philippines (Eagle News) — Nagpatupad ng balasahan ang Philippine National Police (PNP) sa hanay ng mga matataas na opisyal ng pulisya habang naghahanda ito sa muling pagsabak sa war on drugs.

Sa isang memorandum, tinanggal si Chief Supt. Joseph Adnol bilang pinuno ng PNP Drug Enforcement Group (PNP-DEG) at ipinalit sa kanya si Sr. Supt. Albert Ferro, epektibo ngayong Lunes, Disyembre 11.

Magugunitang nagpahayag ng pagtutol si Adnol sa ideyang lagyan ng mga body camera ang mga pulis na sasabak sa mga operasyon.

Si Adnol ay dating Deputy Regional Director for Administration sa Western Mindanao habang naglingkod naman si Ferro sa firearms explosive division bago itinalaga bilang PDEG Director.

Samantala, inilipat naman sa kampo krame si director manuel felix na hepe ng directorate for integrated police operations habang si Chief Supt. Cedrick Train na pinuno ng PNP-Soccsksargen (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, General Santos) ang ipinalit kay Felix.

Inilipat naman ang hepe ng maritime group na si Chief Supt. Marcelo Morales sa PNP Regional Office sa Soccsksargen at ipinalit sa kanya si Chief Supt. Rodelio Jocson.

Iniluklok din si Chief Supt. Renato Angara, hepe ng PNP Cagayan Valley, bilang bagong direktor ng information technology management services (ITMS).

Mula naman sa Office of the Chief PNP, itinalaga si Sr. Supt. Petrone III Baldebrin bilang bagong hepe ng PNP Cagayan Valley.

Related Post

This website uses cookies.