(Eagle News)– Hinikayat ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng mga motorcycle riders sa bansa na lahukan ang bagong kampanya ng mga kapulisan na “Oplan Clean Riders Alpha.”
Ang nasabing kilusan ay isang hakbang upang masugpo ang kriminalidad na gawa ng mga riding in tandem, mga krimen na kadalasang kinasasangkutan ng dalawang tao na nakasakay sa motorsiklo.
Kabilang sa mga krimen na madalas nilang gawin ay ang pagsamsam ng mga mamahaling gamit o bag, pagnanakaw, pagpatay, at marami pang iba.
Ayon sa PNP, lahat ng mga lehitimong may-ari ng motorsiklo ay maaaring bigyan ng libreng sticker ng clean riders, na siyang magsisilbing palatandaan na ang isang motorsiklo ay nasuri at nakarehistro na sa clean rider ng bawat probinsiya o munisipyo na nakasasakop sa bayang tinitirhan.
Dagdag pa riyan, ang isang motorsiklo na may clean rider sticker ay hindi na sisitahin pa sa mga checkpoint ng kapulisan.
Samantala, upang makuha ang nasabing sticker ay kinakailangang pumunta sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya at magdala ng mga kaukulang dokumento.
Ilan sa mga dokumento na maaaring dalhin ay ang orihinal na resibo o sertipiko ng pagkakarehistro ng motorsiklo; deed of sale kung hindi sa iyo nakapangalan ang motorsiklo; isang valid ID; at nasagutang application form na nagmula sa istasyon ng pulisya. Jodi Bustos