KALIBO, Aklan (Eagle News) – Tinawag na ‘iligal’ ng isang opisyal ang pinapatupad na Municipal Ordinance No. 2016-003 o Muffler Ordinance ng Kalibo.
Sa sulat na nakarating sa Sangguniang Bayan, sinabi ni Poblacion Brgy. Captain Mary Jane Rebaldo na hindi naging malinaw sa nasabing ordinansa kung ang ‘motor vehicle’ ay tumutukoy sa lahat ng uri ng sasakyan.
Hindi rin umano nakasaad ang ‘noise limitation’ ng mga motorsiklo o sa sasakyan na gumagamit ng modified engine muffler para masabing sobrang ingay ng mga ito.
Kaugnay rito, hindi anya makatwiran ang panghuhuli sa mga motorsiklo o anumang uring sasakyan na walang anumang gamit na sound measuring instrument.
Kinukuwestiyon rin niya kung alinsunod nga ba sa inilabas na pamantayan ang pagsira ng mga muffler na nakumpiska para gabayan ang mga deputized enforcers.
Ang pagsira kamakailan ng mahigit 300 muffler na nakumpiska ay labag sa batas kung gayon.
Kaugnay nito, hindi umano ipapatupad ng mga tanod ng Brgy. Poblacion ang nasabing batas dahil wala pa rin silang natanggap na deputation mula sa alkalde.
Nakatakda namang ipatawag ng Sanggunian si Rebaldo para ipaliwanag ang kanyang inilabas na ‘non-participation letter’ kaugnay sa pagpapatupad sa nasabing batas.
Jane Malicse – EBC Correspondent, Palawan