Political candidates sa Maguindanao lumagda ng peace covenant

by Odessa Cruz
Eagle News Service

MAGUINDANAO, Philippines — Lumagda sa isang peace covenant ang mga tumatakbong kandidato para sa darating na 2016 election sa bayan ng Pagalungan, Maguindanao.

Ayon kay Municipal Election officer Lunamer Gargara, dinaluhan ang nasabing covenant signing ng magkatunggaling mayoralty bets na sina incumbent Pagalungan Mayor Salik Mamasabulod at nagbabalik pulitikang si Datu Jimmy Matalam kasama ang iba pang tatakbo sa pagka Vice Mayor at councilors ng bayan.

Dumalo rin sa peace covenant signing sina Maguindanao provincial election officer Udtog Tago, 7th Infantry Battalion Commander Lieutenant Orlando Edralin at ang hepe ng Pagalungan police na si Senior Inspector Blayn Lomas-e.

12645066_454053888117481_100256273841615224_n
Mga kakandidatong mayor, vice-mayor at councilor sa Maguindanao. Photo courtesy: Odessa Cruz

Nilalayon ng covenant signing ang pagkakaisa ng mga kumakandidato sa bayan, na magkaroon ng mapayapa, matiwasay at malinis na halalan at maiwasan narin ang madugong labanan sa darating na Mayo 9, 2016.

Dati nang naideklarang election hotspot ang bayan ng Pagalungan noong nakaraang 2013 election.

Subalit, umaasa ang Commission on Elections (COMELEC) na sa pamamagitan ng peace covenant na ito ay magiging maayos ang lokal na halalan dahil mismong ang mga kandidato ang nangako at nanumpa na hindi manggugulo sa gagawing halalan.

Samantala, lumagda rin ng peace covenant ang mga lokal na kandidato mula sa bayan ng Pandag, Maguindanao.

Nagpahayag ng suporta sa isang mapayapang halalan ang mga lokal na kandidato sa pangunguna ng incumbent Mayor ng bayan na si Bai Zihan Mangudadatu na mula sa Liberal party.

Lumagda sila sa isang malaking tarpaulin kung saan nakaimprinta ang nasabing covenant, na siya naman umanong ididisplay sa isang public area sa bayan ng Pandag.

Hindi naman nakarating sa nasabing aktibidad ang ilang independent candidates at mga katunggali ng Liberal Party mula sa partido ng United Nationalist Alliance. (Eagle News Service)