(Eagle News) — Tututukan ngayon ng Senado sa executive session ang anggulo ng sabwatan o grand conspiracy sa pagpasok sa bansa ng $81 million na ninakaw sa pamamagitan ng pag-hack sa Central Bank of Bangladesh account sa Federal Reserve Bank of New York.
Ayon kay Senador Ralph Recto, marami aniyang dapat sagutin si Maia Santos-Deguito, branch manager ng RCBC Jupiter Makati Branch, dahil kumbinsido aniya ang mga senador na hindi lamang siya ang nakakaalam ng naturang transaksyon.
Naging malinaw umano sa unang pagdinig ng Senado na halos lahat ng mga inimbitahan nila sa hearing ng Senado ay kakilala si Kim Wong, isa sa anim na negosyanteng isinasangkot sa pag-launder ng $81 million.
Nais ring malaman ni recto kung may koneksyon ang bangko sa mga hacker o kung alam nilang may papasok na ganoon kalaking pera na magmumula sa Bangladesh account.
Ipinagtaka rin ni Recto kung bakit si Deguito lamang ang mabilis na inireklamo ng Anti-Money Laundering Council o AMLAC.