Eagle Broadcasting Corporation muling nagsagawa ng Blood Donation Activity

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Sa ikalawang pagkakataon, muling nagsagawa ng blood donation activity ang Eagle Broadcasting Corporation.

Tema ng naturang aktibidad pangkalusugan ay “Dugong Alay, Pandugtong ng Buhay” at ito ay joint effort ng EBC at ng Philippine Red Cross.

Nasa 66 na bags ng dugo ang nakolekta ng Philippine Red Cross sa isinagawangblood donation drive nitong Martes, Enero 30 sa himpilan ng Eagle Broadcasting Corporation (EBC).

Ang nasabing aktibidad ay nilahukan ng nasa mahigit kumulang na 100 indibidwal na nagtungo sa himpilan upang boluntaryong magbigay ng dugo sa mga nangangailangan.

Ang ilan sa mga pumasang blood donors ay nagbahagi ng kanilang naging paghahanda para sa nasabing aktibidad kagaya ng pagtulog ng maaga at pag-iwas sa paninigarilyo at pag-inom ng alak.

Kanila ring hinikayat ang iba pa na huwag matakot sa pagbibigay o pagdo-donate ng dugo.

“Huwag kayong matakot na magpakuha ng dugo kasi para naman ito sa kalusugan ninyo, higit sa lahat makakatulong tayo sa ibang tao,” pahayag ni Michael Vallejera, limang beses ng nagbigay ng dugo.

Ang mga ganitong proyekto ay bahagi ng kampanya ng PRC na makapagbigay ng ligtas at kalidad na suplay ng dugo sa mga Pilipinong nangangailangan sa buong bansa.

Tiniyak rin ng PRC na kanilang mahigpit na nasusunod ang mga pamantayang ibinigay sa kanila ng Department of Health o DOH– mula sa pangangalap ng mga donors hanggang sa paraan ng pagkolekta, pagsusuri, pag-iimbak ng mga nakuhang dugo at sa pagtanggap ng mga benepisyaryo.

Ito na ang pangalawang pagkakataon na nagsagawa ng blood donation activity ang Eagle Broadcasting Corporation na may layong makatulong sa mga kababayan nating nangangailangan ng dugo.

Ang nauna ay noong Agosto 31 noong nakaraang taon na nilahukan naman ng nasa 103 katao.

(Eagle News Service Reported by Belle Surara, details by Jodi Bustos)

Related Post

This website uses cookies.