QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Interesado rin ang Senado na malaman ang katotohanan mga umano’y pre-shaded na boto para kay Vice President Leni Robredo sa mga hindi nagamit na balota sa Camarines Sur.
Ayon kay Senate Majority Leader Vicente Sotto, posibleng konektado ito sa kaniyang mga ibinunyag na early transmission ng resulta ng boto bago pa man mangyari ang eleksyon noong May 2016.
Sinabi ni Sotto na pursigido silang paimbestigahan ang isyu lalot plano ng Commission on Elections (Comelec) na muling kunin ang serbisyo ng smartmatic sa May 2019 midterm elections.
Pagdinig ng Kongreso, itinakda sa April 10; mga opisyal ng Comelec at Smartmatic, inimbitahan
Ayon kay Sotto, itinakda na sa April 10 ang pagdinig ng Joint Congressional Oversight Committee on Automated Election System na pinamumunuan ni Senador Francis Escudero ang mga alegasyon ng iregularidad sa automated elections noong May 2016.
Kasama sa mga inimbitahan ng Senado ang mga opisyal ng Commission on Elections at Smartmatic.
Nauna nang ibinunyag ni Sotto sa kaniyang privilege speech ang nangyaring iregularidad kung saan may mga pcos machine na nagtransmit ng boto sa Consolidating Canvassing System sa munisipalidad ng Libon sa Albay at Angono, Rizal gayong wala pang nangyayaring halalan.
Kwestyonable rin foreign access sa resulta ng naganap na eleksyon na hindi unano aprubado ng Comelec en banc.
Pinagpapaliwanag rin ng Senado ang Comelec kung bakit hindi na- transmit ang 3.86 percent ng election returns na kumakatawan sa 1.7 milyong boto.
Mga source ni Sen. Sotto kaugnay sa umano’y dayaan noong 2016 polls, ‘di pa tiyak kung haharap sa pagdinig
Hindi masabi ni Sotto kung sisipot sa pagdinig ang kaniyang mga source na nagbigay ng mga dokumento sa nangyaring dayaan pero nasa kostodiya pa aniya nito ang mga ebidensya ng nangyaring hokus pokus.
“Hawak niya yung mga digital print yung mga timestamp at sino nagsend saan sinend yung mga yun waka niya. Yung laman ng loob, nakita niya,” ayon sa senador.
Kung mapapatunayan ang iregularidad nais ni Sotto na itigil ng gobyerno ang pagkuha sa Smartmatic at paamyendahan ang election laws para makapagsagawa ng hybrid elections.
(Eagle News Service Meanne Corvera)