(Eagle News) — Ipinagpaliban ng Korte Suprema ang nakatakdang preliminary conference sa electoral protest ni dating senador Ferdinand “Bong –Bong” Marcos kaugnay sa sinasabing dayaan sa nakaraang halalan kung saan tumakbo itong pangalawang pangulo ng bansa.
Sa halip na sa a-bente uno ng buwan (June 21), sa a-onse na ng Hulyo (July 11) isasagawa ang preliminary conference para talakayin ang sakop sa electoral protest ng dating senador laban kay Vice President Leni Robredo na lumamang lang ng mahigit dalawang daang libong boto kaya nanalo.
Giit ng kataas-taasang hukuman na siya ring Presidential Electoral Tribunal, walang anumang pagkiling o pagbibigay pabor sa anumang nakabimbing petisyon kaugnay sa nasabing kaso.
Binibigyan ng korte ng limang araw ang magkabilang panig para isumite ang kani-kanilang buod para sa preliminary conference.
Ayon sa kaniyang electoral protest, nais ni Marcos na muling ipabilang ang mahigit walong milyong boto mula sa 39,221 cluster precinct sa dalawampu’t pitong probinsya at siyudad sa buong bansa.
Nais niya ring ipawalang bisa ang naganap na botohan sa Lanao Del Sur, Basilan at Maguindanao dahil umano sa lantarang dayaang nangyari sa halalan.
Ikinalulungkot naman ng kampo ng dating senador ang naging desisyon ng Korte Suptema.
Sinabi ni Atty. Vic Rodriguez, isa sa mga abugado ng dating senador, bagamat alam nila ang pangangailangan sa pagsasagawa ng oral argument ukol sa usapin sa deklarasyon ng martial law sa Mindanao, hindi naman nila nakikita ang dahilan upang ipagpaliban ang nakatakdang preliminary conference sa kanilang kaso.
Aniya, tulad sa isyu ng martial law declaration ay mahalaga rin ang electoral protest na kanilang isinampa.
“We find it very unfortunate that the SC acting as PET have moved the much awaited preliminary conference of Sen. Marcos election protest. While we understand the importance and urgency to set the oral argument on the declaration of martial law in Mindanao, we do not see the need to further delay an equally important case that likewise involves public interest, as to who is the real Vice President genuinely elected by the people. Every delay benefits the unauthentic occupant of the office discharging fake public service based on a pretentious program of governance whose real objective is to oust President Duterte no less,” pahayag ni Rodriguez.
(Eagle News Service, Erwin Temperante)