Pres. Duterte, ‘di kumagat sa hamon ni Sen. Trillanes na pumirma ng bank secrecy law waiver  

(Eagle News) — Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi ito pipirma ng waiver upang ilantad ang nilalaman ng kanyang bank accounts.

Matatandaang, una nang ibinunyag ni Senador Antonio Trillanes ang pagkakaroon umano ng Pangulo ng mga bank account na naglalaman ng bilyong piso at inakusahan pa ang Pangulo na di pagdedeklara ng kanyang 211 million savings account sa Bank of the Philippine Islands (BPI).

“If Trillanes wants to find something of fault with me, tell him, ‘go somewhere else and fly a kite. If he wants to get evidence, do not get it from my mouth. You must be stupid, even if it is true or false,” pahayag ni Pangulong Duterte.

Buwelta pa ng Pangulo, si Trillanes ang mayroong offshore bank accounts kung saan isang Chinese national ang kanyang kapartner.

“Alam mo naman si Trillanes, he thinks that people really are ignorant. ‘yung lahat ‘yang joint account niya, may partner siya na chinese, even if he signs a waiver, if the co-signer does not, walang mangyari niyan. And the bank would never, never name who is the partner,” pagbubunyag ng Pangulo.

Mariin namang pinabulaanan ng Senador ang akusasyon ng Pangulo at lumagda ng waiver sa Bank Secrecy Law ng 12 foreign bank accounts na binanggit ng Pangulo.

Pero nang tanungin kung gagawin rin ba nya ang ginawang pagpirma ng waiver ni Trillanes sagot ng Pangulo naglabas na aniya ito noon bago pa man ang 2016 elections.

Ang tinutukoy ng pangulo ay ang Special Power of Attorney (SPA) na ibinigay nito kay Atty. Salvador Panelo na magpapahintulot na maglabas ng  certificates na magpapatunay na walang Php 211 million sa nasabing account.

Kaso vs Trillanes, binubuo na ayon kay Pres. Duterte

Sa ngayon, bumubuo aniya sila ng kaso laban sa Senador dahil sa mga tagong yaman nito at kanila itong sisiwalat sa nalalapit na hinaharap.

Samantala, muling binanatan ng Pangulo si Trillanes dahil tinatangka umano nitong kumalap ng ebidensya mula sa mismong inaakusahan nito.

Bukod pa rito, ibinunyag din ng Pangulo na may kaugnayan si Trillanes sa maling paggasta ng Disbursement Acceleration Program (DAP) noong administration ni dating pangulong Benigno Aquino.

https://youtu.be/_PCbfPU1dlU