(Eagle News) — Sa kaniyang naging talumpati, hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kabataan na paigtingin ang pagmamahal sa bayan at maging disiplinado upang maging mga responsableng mamamayan.
“You must be by now must have the sense of responsibility,” paunang pahayag ng Pangulo para sa mga kabataan.
“Pinakaimportante ito, yung sense of love mo sa bayan, huwag mong hayaan na this country will be deteriorate and go to the dogs.”
Inihayag ito ni Duterte sa kanyang pangunguna sa pagbubukas ng Palarong Pambansa 2017 sa San Jose De Buenavista sa Antique.
Ayon pa sa Presidente, malaki ang kaniyang investment sa mga kabataan dahil sila ang magiging tatay at nanay sa hinaharap, kaya naman nais niyang mahubog ng maayos ang mga ito habang siya ay nabubuhay pa.
“Malaki talaga ang investments ko dito sa inyo. Kasi ganito yan.. kayo iyong magiging tatay pati nanay bukas, yang bukas na yan it’s just the few sunrises and sunsets and it’s just around the corner. It’s just in the wings, pagkatapos niyan kayo na,” pahayag ni President Duterte.
“We are trying to build competitiveness, fairness, values and the sense of good will sa inyong mga bata,” ayon pa sa Presidente.
Ipinahayag din ng Pangulo na ibabalik niya ang National Service Training na Reserve Officer’ Training Corps (ROTC) sa layong madepensahan ng mga kabataan ang bansa. Kung saan ipinunto niya na ang ibang mga bansa ay mayroong Military Training Programs.