(Eagle News) — Hinamon ng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang mga kandidato sa 2016 presidential elections na tutulan ang jeepney phaseout program ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.
Ayon kay PISTON national president George San Mateo, kung tunay aniyang para sa mahirap ang mga presidential candidate, dapat aniyang manindigan ang mga ito laban sa phaseout ng mga jeepney dahil malaking banta umano ang programang ito sa kabuhayan ng mahigit kalahating milyong drivers at operators ng jeepney sa buong bansa.
Sa kabila nito, taliwas naman ang opinyon ng ilang malalaking transport group na kinabibilangan ng Pasang Masda, Federation of Jeepney Operators and Drivers (FEJODAP), Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) at Liga ng Transportasyon at Operators Sa Pilipinas o (LTOP) dahil anila, nagkaroon lang ng ibang interpretasyon ang ibang lider ukol sa programa sapagkat hindi naman umano total phaseout kundi modernisasyon sa hanay ng jeepney ang isinusulong ng gobyerno.
Samantala, ipinanawagan ng PISTON ang ‘zero vote’ para kay Liberal Party standard bearer Manuel “Mar” Roxas III na tinagurian nilang promoter ng jeepney phaseout program noong siya ang kalihim ng Department of Transportation and Communications (DOTC).