BAYBAY City, Leyte (Eagle News) — Nakatakas noong Miyerkules ng umaga, Agosto 2, ang isang preso habang hinihintay ang hearing ng kaniyang kaso sa korte ng bayang ito.
Kinilala ang suspek na si Job P. Porazo na nakapiit sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)-Baybay City, Leyte at may kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Act of 2002, at paglabag sa RA 10591, o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ayon sa mga nakasaksi ay halatang planado ang ginawang pagtakas ni Porazo.
Dumating siya kasama ang ilang personnel ng BJMP sa Regional Trial Court ng bayan sakay ang isang BJMP service vehicle, subalit habang naghihintay ay madaling nakalas ni Porazo ang posas at dali-daling nahubad ang kaniyang kasuotan bilang inmate.
May nakaabang nang umaandar na motorsiklo sa malapit na ginamit ng pugante bilang getaway vehicle.
Nakapagpaputok ang isang miyembro ng BJMP na nag-escort sa kaniya subalit hindi nito natamaan si Porazo, kung kaya’t tuluyan na itong nakatakas.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin natutunton ang kinaroroonan ng pugante.
Nananawagan ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP)-Baybay City sa sinumang makakakita kay Porazo na ipagbigay alam ito kaagad sa mga otoridad.
(Dioy Diaz – Eagle News Correspondent)