DAVAO City (Eagle News). Inaasahan na tataas ang presyo ng durian sa susunod na buwan sa Davao City kasabay ng pagdiriwang ng Kadayawan Festival. Ito ay dahil sa malaking ektaryang taniman ng durian na napinsala ng El Niño.
Ayon kay Davao Durian Council President Larry Miculob, nasa 410 ektarya umano ang lubusang napinsala ng El Niño at kinakailangang tanimang muli. Marami ring napinsalang puno ng durian ang aabutin ng tatlo hanggang apat na taon bago pa muling makapagbunga.
Dagdag pa ni Miculob, ang mga taniman na napinsala ay dating pinagkukunan ng nasa 2,310 toneladang durian kung kaya inaasahan na nasa P9.2 Milyong piso ang halaga na mawawala sa rehiyon.
Aabot ng P50 hanggang P60 ang bawat kilo ng durian ngayong taon sa season months nito na Agosto hanggang Setyembre kumpara sa P20 lamang kada kilo na presyo nito noong nakaraang taon. Sa ngayon ay nasa P150 ang pinakataas na presyo ng durian.
Bagamat maraming taniman ng durian ang napinsala, kakayanin parin naman daw ng rehiyon maka-supply ng nasabing prutas sa nalalapit na Month-long Kadayawan Celebration.
Zen Tambioco, Eagle News Davao City Correspondent