Bislig City, Surigao del Sur (Eagle News) – Tiniyak ng Department of Trade and Industry ng Bislig City na walang pagbabago sa presyo sa mga bilihin sa Lokal Market ng Bislig City. Batay ito sa isinagawa nilang price monitoring nitong buwan ng Setyembre kasabay ng implementasyon ng State of National Emergency ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Teresita Subibi ng DTI Bislig, sumunod naman ang mga negosyante sa ipinatupad na price freeze maliban lang sa mga prime commodities na may kaunting pagbabago mula sa singko sentimos hanggang piso.
Dagdag pa ni Subibi,kahit na ang mga bilihin ay nasa ilalim ng price freeze gumagalaw pa rin ang mga presyo nito batay sa dami ng supply at demand ng isang produkto. Wala namang pagbabago sa presyo ng construction at electrical supply. Ipinatupad ang price freeze sa loob ng 60 araw, dagdag ng opisyal. Kung hindi daw tatanggalin ni Pangulong Duterte ang State of National Emergency, mananatili ang price freeze hanggang November 3, 2016.
Ipinagmamalaki din ng DTI Bislig na ang nakapaloob sa District 2 ng Surigao del Sur — mula sa mga lungsod ng Barobo, Tagbina, Hinatuan, Lingig at Bislig City — ay nanatiling stable ang mga presyo ng bilihin.
Issay Daylisan, Eagle News Surigao del Sur