By Lawrence Tesoro
Eagle News Service correspondent
(Eagle News) — Ilulunsad ngayong araw na ito Martes, Pebrero 9, ang mga proclamation rally ng mga presidential at vice-presidential bets kasabay ng unang araw ng itinakdang campaign period ng Commission on Elections (COMELEC).
Kanya-kanya na ngang paghahanda ngayon ng malalaking partido para sa paglunsad ng kanilang presidential campaign kaugnay ng halalan sa darating ng Mayo
Kasabay ng unang araw ng kampanyahan ngayong Martes, si United Nationalist Alliance (UNA) presidential bet, Vice President Jejomar Binay ay ilulunsad ng kanyang kampanya sa Welfareville Compound sa lungsod ng Mandaluyong.
“Vice President Binay wants to launch his campaign with ordinary Filipinos who have been left behind and continue to struggle with poverty, hunger and unemployment,” ayon sa tagapagsalita ni Binay na si Joey Salgado.
Ayon pa kay Salgado, mula Mandaluyong ay tutunguhin din ni Binay ang lalawigan ng Cavite at Laguna sa unang araw ng kampanyahan.
Ang tambalang Sen. Grace Poe at Sen. Chiz Escudero ng Partido Galing at Puso ay gaganapin ang kanilang proclamation rally sa Plaza Miranda sa Martes Pebrero 9, mula alas 4 hanggang sa alas 7 ng gabi.
Habang ang Liberal Party standard bearer na si Mar Roxas ay gaganapin ang kanyang proclamation rally sa Capiz Gym sa umaga habang sa Iloilo Freedom Park sa hapon.
Ang tambalang Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Sen. Alan Peter Cayetano ay sa Tondo, Maynila sa mismong unang araw ng kampanyahan.
Habang ang tambalang Sen. Miriam Defensor-Santiago at Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay sa Batac, Ilocos Norte sa unang araw ng kampanyahan.
Tutunguhin ng dalawa ang Marcos Mansion at Mariano Marcos State University.