BISLIG CITY, Surigao del Sur (Eagle News) – Paboritong pasukin ngayon ng mga magnanakaw ang mga pampublikong paaralan sa Bislig City, Surigao del Sur. Target nila ang mga computer monitor sa mga paaralan na may computer laboratory room. Umaabot sa 70 computer monitor ang nabawi na ng Bislig City PNP mula sa sunod-sunod nilang operation sa tatlong internet cafe na nag-o-operate sa Bislig City.
Naipasara na ito ng Lokal na pamahalaan ng Bislig City at kinasuhan na rin ang mga may-ari nito ng kasong paglabag sa anti-fencing act of 2003. Nasa kustodiya na rin ng DSWD ang menor de edad na sangkot sa nakawan kasama ang ilang mga suspek na patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.
Dahil sa madalas na insedente ng nakawan inilunsad ng PNP sa Bislig City ang Project Black Light o Property Markings sa mga computer monitor ng mga pampublikong eskwelahan. Ginamitan nila ng colorless solution ang markings na invisible sa paningin at makikita lamang ang markings gamit ang blue light. Sa pamamagitan nito mas madali nilang ma-a-identify kung nakaw ang isang unit.
Nagbabala ang mga awtoridad sa sinumang bibili ng mga nakaw na bagay dahil siguradong papapanagutin nila sa batas.
Issay Daylisan – EBC Correspondent, Bislig City, Surigao del Sur