(Eagle News) — Hiniling ng mga opisyal mula sa Western Visayas sa Department of Tourism (DOT) na bigyan ng prayoridad ang iba pang tourist destination sa rehiyon sa kanilang promotional campaign.
Kasunod ito ng nakaambang closure ng Boracay.
Ayon kay Antique Governor Rhodora Cadiao, susunod sila sa rekomendasyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG) at DOT na isara sa loob ng anim na buwan ang Boracay para mabigyang daan ang rehabilitasyon.
At dahil nasa Western Visayas aniya ang Boracay ay hiniling niya sa DOT na i-promote din ang iba pang tourist destinations sa rehiyon upang matiyak na mayroon pa ring bibisitang mga turista sa lugar.
Una rito, inirekomenda ng DOT, DENR at DILG ang total closure ng Boracay sa loob ng anim na buwan.
Una na ring tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na naging tapunan ng dumi ang nasabing isla.
Sinabi rin ng mga stakeholder sa Boracay, na maaaring umabot sa 56 billion pesos ang mawawalang kita kung isasara ang Boracay at nasa mahigit 36,000 naman ang mawawalan ng trabaho. Aily Millo
https://youtu.be/UZbm1Lm-Y-8