Ni Aily Millo
Eagle News Service
Kabilang sa mga hamon sa Association of Southeast Asian Nations ay kung papaano mapapataas pa ang kamalayan ng lahat ng mga miyembro nito patungkol dito.
Ayon kay Malaysian Prime Minister Najib Razak, na nagdeliver ng kaniyang keynote speech sa mahigit 1000 delegado sa pagsisimula ng Prosperity for All Summit sa City of Dreams, dapat aniyang maging parte ng buhay ng mga tao ang Asean, at makita nila ang regional bloc na isang pangunahing batayan ng pagkakaisa.
Sa usapin naman ng economic innovation, sinabi ng prime minister na dapat magdeploy o magkaroon na ng digital technology, na isa aniyang powerful force na makakatulong sa pag-usad ng future vision at mga pangako ng ASEAN.
Si Pampanga Rep. Gloria Arroyo naman ay nagbahagi ng kaniyang naging experience sa pagtugon sa mga concern na kinakaharap ng micro-, small- and medium- enterprises noong kaniyang termino.
Sinabi rin nito na dapat dalhin na sa world of digital techology ang kalakalan ng MSME sa Pilipinas, na magreresulta sa mas madaling pagbabayad at pag-oorder sa pamamagitan ng Internet.
Ibinahagi naman ni Senador Bam Aquino sa mga delegado ang tatlong M na kinakailangang ma-access umano ng mga MSME: Money, Mentorship at Market.
Ayon naman kay Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, kinakailangan maturuan ang mga magsasaka sa Pilipinas na mag-isip gaya ng isang entreprenuer para sila ay ma-empower.
Samantala, mag-aalas onse ng umaga kanina nang dumating sa nasabing event si Vice President Leni Robredo.
Tinalakay ni Robredo ang mga kondisyon para sa isang inclusive environment.
Aniya, kailangan ng transparent, accountable government, progressive taxation at open markets.
Hanggang mamayang hapon itong isasagawa Prosperity for All Summit.
Iba’t ibang panelist pa ang isasalang upang mapag-usapan ang financial inclusion, at funding sa ASEAN region sa larangan ng pagnenegosyo.
Mapag-uusapan din ang mga programa para sa poverty reduction.
Una nang sinabi ni Asean business advisory council chairman joey concepcion na layon ng summit na mahikayat ang mga mauunlad na bansa na tulungan ang mga maliliit at mahihirap na bansa sa rehiyon para makaagapay sa mabilis na pag-unlad at pagbabago.
Hinihikayat din ang mga malalaking negosyo na tulungan ang mga maliliit na negosyo o ang mga MSME, na malaki ang ambag sa ekonomiya.