PALAWAN (Eagle News) – Nagpaalala ang tanggapan ng Provincial COMELEC sa mamamayan ng Palawan na maagang magparehistro para sa gaganaping Barangay at SK Election sa susunod na taon.
Ayon kay G. Jommel Ordas, tagapagsalita ng Provincial COMELEC, ang pagpaparehistro para sa halalang Pambarangay at pangkabataan ay nagsimula noong Nobyembre 7 at matatapos sa Abril 29, 2017. Sa loob aniya ng unang isang linggo ng pagpaparehistro ay umabot lamang sa 1,000 ang nagtungo sa kani-kanilang COMELEC Office para magpatala. Nangangamba ang Provincial COMELEC na maulit ang mga nakaraang suliranin na saka pa lamang dadagsa ang mga botante sa kanilang tanggapan sa huling araw ng rehistrasyon.
Nananawagan si G. Ordas sa mga nais lumahok sa susunod na halalan na huwag ng maghintay ng deadline bago pa sila tutungo sa mga Municipal Office ng COMELEC upang magparehistro. Marami aniya ang hindi nakaboto sa nakaraang pampanguluhang halalan dahil inabutan na sila ng takdang araw ng pagsasara ng rehistrasyon.
Muling nagpaalala si G. Ordas sa publiko na bukas ang tanggapan ng COMELEC mula Lunes hanggang Sabado, 8:00 am – 5:00 pm upang magbigay-daan sa mga Palawenyo na nais magparehistro upang makalahok sa susunod na halalan.
Baby Supiao – EBC Correspondent, Palawan