MANILA, Philippines (Eagle News) — Naragdagan pa ang international telecommunications company na nagnanais na maging third player na nakahandang mamuhunan sa Pilipinas sa larangan ng komunikasyon.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na iniulat ni Department of Information and Communications Technology (DICT) officer-in-charge Eliseo Mijares Rio Jr. kay Pangulong Rodrigo Duterte ang interes ng PT&T company na makilahok sa pagpapaganda ng telecommunication services sa bansa.
Unang lumutang ang China Telecom na nakahandang maglagak ng puhunan na inaasahan namang wawasak sa duopoly ng local telecommunications industry.
Sinabi ni Andanar na minamadali na ngayon ng DICT ang kailangang mga dapat gawin upang makapasok na ang mga interesadong third players na tiyak na magbibigay ng magandang serbisyo sa mga subscriber at magpapalakas sa kompetisyon ng mga nasa telecommunication business.
Ayon kay Andanar, patuloy itong magsisilbing babala sa Globe at Smart na dapat ayusin nila ang kanilang serbisyo dahil mayroong ibang mga kompanya na nagnanais nang pumasok sa kompetisyon.
Naninindigan ang Malacañang na basagin ang duopoly ng Globe at Smart dahil sa kanilang mabagal na internet services.
“Nabanggit nga ng DICT acting secretary Rio na dalawa ang interesado na maging third player sa telecommunications industry. Una, iyong China Telecom, plus iyong consortium na hindi pa ho nababanggit; at pangalawa pong nasa listahan ay iyong grupong PT&T ay iyong kanilang partner na Korean Telecom Company. So, we can really see that even just the announcement itself ay nahikayat po iyong dalawang telco giants na ito na mag-invest ng pera para pagandahin pa iyong kanilang serbisyo,” pahayag ni Andanar.
(Vic Somintac, Eagle News Service)