METRO MANILA, Philippines (Eagle News) – Maaga pa lang ay naglabas na ng abiso ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa mga motorista na isasara sa trapiko ang Roxas Boulevard sa August 8.
Ito ay para sa 50th anniversary ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na gaganapin sa bansa.
Bukod dito, magpapatupad rin ng truck ban ang MMDA sa nasabing kalsada.
Ayon pa sa MMDA, isasara rin ang southbound lanes ng Roxas Boulevard mula sa P. Burgos hanggang Buendia, mula alas 2:00 ng hapon hanggang alas 9:00 ng gabi.
Tanging mga delegado at foreign ministers lang ng bansa na dadalo sa ASEAN meetings ang maaaring dumaan sa mga naturang kalsada.
Dahil dito, hinihikayat ng MMDA ang mga motorista na humanap at gumamit ng mga alternatibong ruta, habang ang mga truck naman ay pinapayuhang kumanan sa EDSA at saka kumaliwa sa South Luzon Expressway patungo sa port area.
Sa Agosto 8 isasagawa ang grand parade at landmark lighting ng ASEAN Lantern, na hudyat ng pagtatapos ng mga pagpupulong ng mga delegado na magsisimula na ngayong araw, Agosto 2.