(Eagle News)– Nag-anunsyo ang Maynilad Water Services Inc. (MWSI) ng 19 na oras na pagkaantala ng tubig sa limang matataong barangay sa Novaliches, Quezon City mula alas 9:00 ng gabi sa Miyerkules, Mayo 23, hanggang alas 6:00 ng umaga kinabukasan.
Ito ay kaugnay ng tuloy-tuloy na proyekto ng Maynilad na mapabuti ang kanilang serbisyo sa hilagang bahagi ng Metro Manila.
Sa anunsyong inilabas ng MWSI, sinabi nito na maaapektuhan ang mga magkakalapit na barangay sa Novaliches Proper, Gulod, Sta. Monica, San Agustin, at Nagkaisang Nayon.
Ayon sa ahensya, maglalagay sila ng 300-mm at 350-mm na butterfly valves para sa pagpapanatili at pagpapatakbo sa kaayusan ng Novaliches pumping station. Dahil dito, ang mga residente na mula sa limang nabanggit na barangay ay pansamantalang makakaranas ng pagkaantala ng tubig sa kani-kanilang mga tahanan habang isinasagawa ang paglalagay ng mga balbula.
Pinayuhan rin ng MWSI ang mga apektadong konsyumer na mag-imbak na ng sapat na tubig sapagkat maaaring matagalan ang pagbabalik ng serbisyo sa tubig sa mga nasabing barangay.
Ito ay dahil sa elevation ng lugar, distansya ng mga apektadong barangay mula sa Novaliches pumping station at Maynilad pumping stations, at ang volume withdrawal mula sa mainlines nito.
Matatagpuan sa Novaliches ang La Mesa reservoir o dam na siyang pinaka pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan, katulad ng Cavite at Rizal. Jodi Bustos