Public consultation para sa LRT fare hike, itinakda sa Hulyo 11

(Eagle News) — Aarangkada na ang public consultation ng Department of Transportation (DOTr) ukol sa hirit na taas-pasahe sa LRT-1.

Sa Hulyo 11, nakatakda ang naturang konsultasyon na dadaluhan ng mga stakeholder.

Una nang humirit ang Light Rail Manila Corporation (LRMC) na siyang may concession ng LRT line 1 na magtaas-pasahe bunsod na rin ng malaking ginastos sa ibinuhos na investment at makabayad na rin umano sa mga creditor at investor.

Bukod rito, malaki na rin daw ang epekto sa kanilang operation sa nararanasang inflation sa bansa.

Mula lima hanggang pitong piso ang nais ng LRMC na itaas sa pasahe sa kasalukuyang trenta pesos na end to end trip.

Ibinase lang din umano sa 20 pesos na average fare ang nais na fare hike.

Maaaring sa Agosto ngayong taon, maipapatupad ang taas singil kung ito’y maaprubahan.
Aabot sa mahigit kalahating milyon ang pasahero ng LRT kada araw.

Inilahad naman ni LRMC President Juan Alfonso na malaki na ang pagbabago sa takbo ng LRT dahil nagkaroon na ng maraming bagon at kung dati ay anim na minuto ang interval ngayon aniya ay tatlong minuto na lamang ang interval dahil sa pagsasaayos sa riles at iba pang pasilidad. Jerold Tagbo

This website uses cookies.