SAN JOSE, Palawan (Eagle News) – Tinupok ng apoy ang New Public Market sa San Jose, Palawan. Ayon sa mga saksi nagsimula di-umano ang sunog pasado 12:00 ng madaling araw. Dahil sa matagal na pagresponde ng mga bumbero ay mabilis na kumalat ang apoy at tinupok ang malaking bahagi ng palengke. Kasama sa mga tinupok ang gulayan, prutasan, bigasan at mga daingan.
Tinatayang malaking halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy dahil sa ang palengke ang bagsakan ng mga produkto mula sa iba’t-ibang bahagi ng Palawan. Hindi naisalba ng karamihan ang kanilang mga produkto dahil nakauwi na sa kani-kanilang bahay ang mga may-ari ng mga tindahan.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang ginagawang imbestigasyon tungkol sa sanhi ng nasabing sunog.
Courtesy: Roberto Santos