Ni Ferdinand C. Libor, Jr.
Eagle News Service
BAYOG, Zamboanga del Sur (Eagle News) – Tinatatayang aabot sa P1 milyong ang halaga ng pinsala sa mga ari-arian matapos masunog ang pampublikong pamilihan sa Bayog, Zamboanga del Sur, madaling araw ng Lunes, Marso 20.
Base sa ulat ng Bureau of Fire Protection, nagsimula ang apoy sa vegetable section hanggang sa kumalat ito sa buong palengke. Mabilis umano ang pagkalat ng apoy dahil gawa lamang sa light materials ang nasabing pamilihan.
Dahil malayo ang lugar, unang rumesponde ang mga tauhan ng Local Risk Reduction Management Office gamit ang dalawang fire truck sa naturang bayan.
Umabot sa halos tatlong oras ang sunog bago ito idineklarang fire out.
Patuloy pang inaalam ng BFP ang sanhi ng nasabing sunog. Wala naman naiulat na nasaktan sa insidente.