(Eagle News) — Halos lahat ng lebel ng tubig sa dam sa Luzon ay nagtaasan dahil sa patuloy na pag-ulang dulot ng habagat.
Ayon kay Engineer Danny Flores ng Hydrometeorology Division ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nasa 201.8 meters na ang lebel ng tubig sa Angat dam, tumaas ito ng halos 4.37 meters sa loob lamang ng 24-oras.
Walong gates naman ng Binga dam ang binuksan simula pa noong Sabado at anim na gates naman ng Ambuklao dam ang bukas na rin.
Ang Binga-Ambuklao ay sinasalo ng San Roque dam na nakabukas na rin kung saan nasa 284.50 meters ang lebel ng tubig sa ngayon pero, dahil sa tumigil na ng bahagya ang pag-ulan, inaasahang bababa na ang lebel nito.
Bukas rin ang Pantabangan dam sa Nueva Ecija na nasa 201.84 meters sa ngayon, habang ang Magat dam naman sa Isabela ay nasa 190.01 meters ang lebel ng tubig.
Pinag-iingat din ni Flores ang publiko dahil sa patuloy na pagpapakawala ng tubig sa mga dam na nakadaragdag sa mga pagbaha.
“Itong mga dam na nagbubukas yung apektado dito sa Central Luzon, sa Angat, Bulacan, Ipo, sa Ambuklao, Binga, San Roque sa Pangasinan, mag-ingat po tayo. Mag-ingat sa mga tubig-baha na dulot ng mga pag-ulan na ito, dahil nakakapinsala ang baha lalo na yung mga rumaragasang tubig kaya nga mag-ingat tayo upang hindi tayo mapinsala,” pahayag ni Flores.
https://youtu.be/tb4uwkd9FRM