Ni Mar Gabriel
Eagle News Service
MAKATI CITY, Philippines (Eagle News) — Arestado sa isinagawang entrapment operation ng Station Investigation Detection and Management Section ng Makati City Police ang isang aktibong pulis at apat na kasamahan nito na sangkot sa kidnapping for ransom.
Nakilala ang suspek na si PO2 Jaycee Abaña na kasalukuyang nakatalaga sa Vehicular Traffic Investigation Unit ng Makati police.
Kasamang naaresto ang apat na kasamahan nito na sina Mohalem Macapundag, Muhamad Macapundag, Mohalil Macapundag at si Wenceslao Sevellejo.
Ikinasa ang operasyon laban sa mga suspek matapos silang ireport ng tatlong complainant dahil sa pagdukot umano sa kaibigan nilang Chinese nationals.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, sakay ng kanilang sasakyan ang magkaibigang sina Changbo Fang at Fang Zhang Bao nang bigla silang pahintuin ng mga suspek na sakay ng isang SUV.
Agad daw silang tinutukan ng baril ng isa sa mga suspek at kinuha ang kanilang wallet at pera.
Sa takot ng biktimang si Fang nakatakbo raw ito pero naiwan si Changbo na inutusan ng mga suspek na tumawag sa kanyang mga kamang-anak para magbigay ng isang milyong piso na kalaunan ay bumaba sa walumpung libong piso kapalit ng kanyang kalayaan.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong kidnapping for ransom habang mahaharap din sa kasong administratibo ang naarestong pulis.