QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Gusto ni Health Secretary Francisco Duque III na magkaroon ng pakikipagpulong ang ilang Department of Health officials kay Pangulong Rodrigo Duterte para ilahad ang kanilang panig sa isyu ng Dengvaxia.
Hanggang ngayon, hindi pa rin magkasundo ang DOH at Public Attorney’s Office (PAO) ukol sa mga magkakaibang resulta ng pagkamatay ng mga nakatanggap ng bakuna.
Ayon kay Duque, wala pang schedule na naibibigay sa kanila kung kelan ang pulong sa pagitan ng DOH at ng Pangulo.
Una nang iginiit ng PAO na hindi nila ibibigay ang anumang resulta ng kanilang autopsy sa doh dahil sa umanoy conflict of interest.
Importante umanong mapag-isa ang mga ebidensya sa case buildup ng DOH sa ikinakasa nitong pagsasampa ng kaso laban sa Sanofi Pasteur.
Nakipag-ugnayan na ang DOH sa Office of the Solicitor General subalit hihintayin pa rin ng DOH ang resulta ng imbestigasyon nito at ng Food Drugs Administration (FDA) upang maging matibay ang mga isasampang kaso sa pharmaceutical company.
Nabunyag kamakailan sa pagdinig ng Kamara na noon pang 2015 alam na ng Sanofi na delikadong gamitin ang Dengvaxia sa mga batang hindi pa kailanman nagka-dengue batay sa Singapore FDA.
Pero hindi agad naipaalam ng Sanofi sa gobyerno ang nasabing panganib.
Sa panig ng Sanofi, binigyang-diin na wala silang itinago sa pamahalaan ukol sa risk ng Dengvaxia.
“We learnt of the different product profile of the dengue vaccine for those with or without a previous dengue infection in November 2017 and Sanofi Pasteur has shared the new data in full transparency with national health authorities in countries where the vaccine is approved or where it is being considered for regulatory approval,” pahayag ng Sanofi.
Samantala, nangangamba pa rin ang kagawaran sa pagbaba ngg bilang ng mga nagpapabakuna bunsod ng kontrobersya sa Dengvaxia.
Hindi lamang measles outbreak na una nang idineklara sa Davao City at Zamboanga City ang maaaring umanong mangyari kundi pwede rin bumalik ang outbreak sa sakit na rabies at polio.Jerold Tagbo
https://youtu.be/6RJwSeqaGec