MANILA, Philippines (Eagle News) — Bumalangkas na ng mga batas at reporma ang Qatar government para matiyak ang seguridad at kalagayan ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa nasabing bansa.
Sinabi ni Labor Undersecretary Ciriaco Lagunzad, mayroon nang ipinatutupad na Dispute Settlement System sa Qatar na binubuo ng tatlong komite na hahawak at magpoproseso sa kaso ng mga OFW.
Ayon naman kay Labor Attaché David Des Dicang, may 21 araw ang nasabing komite para solusyunan ang mga nai-report na mga kaso kung saan magiging katuwang nito ang Ministry of Justice at Labor ng Qatar.
Ang pagtungo aniya ng delegasyon ng Pilipinas sa Qatar na pinangunahan ni Lagunzad ay kabilang sa hakbang ng Pilipinas upang alamin ang kalagayan ng mga OFW sa nasabing bansa.