MANILA, Philippines — Nakuha na rin ang atensyon ng international media sa ginawang ‘rape’ joke ni presidential frontrunner Rodrigo Duterte.
Inilathala ng Strait Times ng Singapore, BBC at Guardian na naka-base sa United Kingdom at maging ng Australian News site na ABC ang sinabi ni Duterte kaugnay sa panghahalay at pagpatay sa misyonaryang si Jacqueline Hamill.
Na anila’y kinondena at umani ng batikos.
Bukod sa mga kalaban ni Duterte sa pagka-Pangulo, binatikos rin ng mga senador ang naging pahayag ni Duterte.
Sinabi ni Senador Chiz Escudero, hindi akma para sa isang nag aasam na maging susunod na pangulo ng bansa ang naturang pahayag.
Sabi naman ni Senador Antonio Trillanes ngayon pa lamang ay dapat nang magdesisyon ang sambayanan kung ang isang tulad ni duterte ang dapat na mamuno.
Una nang sinabi ni Senadora Grace Poe na ipinakita lang ni Duterte na wala itong katiting na respeto sa mga kababaihan at hindi dapat ginagawang biro ang isyu ng panghahalay.
Depensa naman ni PDP Laban President at Senador Koko Pimentel, walang masama sa ginawa ni Duterte at isinalaysay lang ang nangyari noong 1989.