Ni Meanne Corvera
(Eagle News) — Lalo pang nadikdik sa pagdinig ng Senado ang branch manager ng RCBC sa Makati na si Maia Santos Deguito sa nangyaring money laundering sa Bangladesh Central Bank.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, kinumpirma ni Atty. Macel Fernandez Estavillo, head ng legal and regulatory afairs ng RCBC na lumilitaw sa kanilang internal investigation na si De Guito ang nagbukas ng bogus bank accounts sa pangalan ng negosyanteng si William Go. Sa account ni Go sinasabing napunta ang bahagi $81 million na nanggaling sa apat na bank accounts sa RCBC na pinagdaanan ng kinulimbat na pera mula sa Bangladesh Central Bank.
“Ms. Deguito explained to us in her letter that she assured us that the accounts of Mr. Go were authentic and belonged to Mr. William Go. She said that she received a call or she called him and he gave instructions to her to open a dollar account and directed her to transmit funds to certain accounts, which we are not at liberty to discuss,” ayon pa kay Atty. Estavillo, hepe ng RCBC legal and regulatory affairs.
Noong Pebrero 5, may pumasok aniya na $22.7 million na pera sa account ni Go pero sa pagitan ng alas-seis hanggang alas-siete ng gabi, nai-withdraw ang P20 million ni Deguito sa tulong ng kaniyang assistant na si Angela Torres.
Gumamit pa raw ito ng pekeng pirma para mailabas ang pera na hinihinalang bahagi ng ninakaw na pondo sa Bangladesh.
“According to the assistant of Ms. Deguito, whom she brought with her from Eastwest Bank as well – her name is Angela Torres – she loaded the P20 million in the Lexus SUV of Mr. Go and asked him to sign the withdrawal slip. We have done independent verifications and the addresses are false. The addresses of Mr. William Go are false in the two accounts. We did an internal verification and the signatures of his peso and dollar accounts do not seem to match,” lahad pa ni Atty. Estavillo.
Pero sa testimonya ng isa pang empleyado ng bangko na si Romualdo Agarrado, dating head ng customer serviceng RCBC, hindi sa sasakyan ni Go dinala ang pera kundi sa sasakyan ni Deguito.
Kitang-kita nya raw ang pangyayari dahil ang kaniyang lamesa ay malapit lang sa pintuan ng bangko.
“Between 6:30 to 6:45 p.m., the teller, nilagay nya po sa box, binilang nya ulit, nilagay po sa room ni branch manager Maia Deguito. That time, si BM Maia po nasa labas ng branch, I think she was talking to somebody nasa cellphone,” ayon pa kay Agarrado.
“Si Jovy Morales po ang nagload sa kotse ni Manager Maia Deguito. Siya po ang nagload assisted by Angela Torres,” dagdag pa niya.
Kinumpirma rin ni Agarado na pasado alas-onse ng umaga noong Pebrero 9 nang matanggap ng bangko ang recall payment at freeze order pero hindi raw ito pinansin ni Deguito.
Senador Enrile, nais ipa-contempt si Deguito
Napikon naman si Senador Juan Ponce Enrile at naghain ng mosyon na maipa contempt si Deguito.
Tumanggi kasi si Deguito na magbigay ng komento o detalye sa report ng RCBC at paulit-ulit na iginiit ang kaniyang right against self incrimination.
Dahil dito, sinuspinde ang hearing at pagbalik ng mga senador, pinagbotohan ang mosyon na magkaroon ng executive session.
Nagdesisyon ang komite na isalang sa executive session si Deguito kasama ang kaniyang abugado at ang embahador ng Bangladesh dahil sila ang nagreklamo at humingi ng tulong sa Pilipinas.
Sa ngayon, hindi pa matukoy ng RCBC kung saan napunta ang iba pang bahagi ng $81 million dollars dahil tumanggi na ang kumpanyang PHILREM na magbigay ng waiver para mabuksan ang kanilang accounts.
Sa PHILREM, isang remittance company sinasabing dumaan ang bahagi ng kinulimbat na pondo papunta sa mga casino.
RCBC, patuloy ang internal investigation sa isyu
Sinabi naman ng RCBC na tinatapos na lang nila ang internal investigation at natukoy na nila ang mga responsable sa money laundering.
Isa raw sa posibleng makasuhan ng perjury ang branch manager na si Deguito.
“Mukhang marami syang kaalaman dito at sa tingin namin kung may mangyayari man dito sana makulong sya at sana ma-prosecute sya dahil sa kaniyang ginawa,” ayon pa kay Atty. Estavillo, na ang tinutukoy ay si Deguito.