Reclamation project sa Manila Bay, pinangangambahang makaapekto sa mga mangingisda ng Cavite

https://www.youtube.com/watch?v=a4kG8yT5O9Y

 

Ni Erwin Temperante
Eagle News Correspondent

Eagle News – Mula nang maitayo ang Cavite Express Way ay humina na ang kita ng mga mangingisda sa dito. Isa sa mga mangingisdang naapektuhan ay si Joel Falcis.

Kung dati kumikita siya ng Php-500 kada araw, ngayon aniya masuwerte na lang kung umabot sa Php200.

Hindi aniya ito kasya para sa tatlong anak niya na kasalukuyan pang nag-aaral.

Ang lalong pinangangambahan ni Joel ay na tuluyang mawala ang kaniyang hanapbuhay bunsod ng pagtatayo ng recreation project sa Manila Bay dahil isa sa direktang maapektuhan ang baybayin ng Cavite.

“Unang-una po ang reklamasyon po ay kabuhayan namin ang mawawala diyan at pangalawa po ay ang aming paninirahan. Dahil wala naman po talagang plano sa amin ang lokal na pamahalaan o ang ating national na pamahalaan, kung saan kami dadalhin o ano ang mangyayari po sa amin. ‘Yon po ang isa sa ikinababahala namin”, pahayag ni Joel Falcis, mangingisda ng Bacoor, Cavite.

Kapangyarihan ng PRA, inirereklamo; Check and balance sa environmental issue, iginiit

Sa bisa ng Executive Order No. 74, binibigyan ng kapangyarihan ng pangulo ang Philippine Reclamation Authority na ipatupad ang mga proyekto ng pamahalaan.

Pero ayon kay Atty. Jojo Batongbacal ng UP International Maritime Law, hindi patas ang naturang kautusan.

Paliwanag ni Atty. Batongbacal, nawawala ang check and balance sa environmental issue lalo na sa mga epekto.

“Tutol ako doon kasi nga ‘yong sistema na ‘yon ang nangyari, ‘yong PRA, siya ‘yong tumatanggap ng proposal, siya rin ang mag-a-approve. Tapos, siya rin ang kikita eventually sa pag-lease nun, sa pagbenta nun. Siya rin ang may interest na mag-approve niyan, hindi siya siguro magdi-dis-approve. Tapos, siya ang magrerekomenda sa presidente kung ano yong approve na project. Pero siya rin ‘yong gagawa ng study para i-recommend sa presidente kung ano ‘yong magiging desisyon. So, nakapaka-self serving talaga ng system na ‘yon”, ayon pa kay Atty. Jay Batongbacal, isang Martime Law expert.

Malaki ang epekto ng mga nakakasang reclamation project ng Duterte Administration.

Dahil sa mga nakahanay na proyekto gaya ng reclamation project sa Manila Bay, magdudulot aniya ito ng malawakang pagbaha sa mga low lying areas na malapit sa Maynila, gaya ng Bulacan at Cavite.

Ang mga lugar na nasa ilalim ng ecological zone kung saan sagana sa biodiversity at rehabilitation areas dapat aniyang ideklarang reclamation free.

“Ang reclamation na ‘yon, parang gumagawa ka lang ng bagong lupa ng hindi mo iniisip ‘yong overall impact ng dis-amenities ng lugar.Tapos, dahil mayroon ka ng bagong lupa, ‘yong investments mo, ‘yong economic development mo, doon mo ngayon ipo-focus. So, maiiwan ‘yong mga existing areas”, dagdag pa ni Atty. Jay Batongbacal.

Paliwanag ng grupong Oceana, mandato ng mga Local Government Unit kaugnay sa environmental protection.

Ibig sabihin aniya nito mayroon ng matagal na batas ang umiiral na nagbibigay karapatan sa bawat isang indibiduwal na matiyak na maiingatan ang interes ng publiko.

Kasabay nito susulatan rin ng Oceana ang PRA upang sabihin na karapatang malaman ng taumbayan ang mga nakalatag na proyekto lalong lao na kung may direktang epekto ito sa buhay at kabuhayan ng tao.

Mayorya sa reclamation project ng gobyerno ang Manila Bay kasama rito ang mga nakalatag na proyekto sa Cebu, Iloilo, Laguna, Cagayan De Oro, Iligan City, Davao City, Davao Del Norte, Batangas, Bacolod City, Palawan at Aklan.