Ni Nora Dominguez
Eagle News Service
(Eagle News) — Nakataas na ang red alert status sa buong siyudad ng Dagupan dahil sa inaasahang paghagupit ng paparating na super typhoon Ompong.
Kaugnay nito, pinulong ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez at Congressman Christopher De Venecia ang lahat ng mga punong barangay upang maihanda ang mga residente sa barangay na nasa vulnerable areas tulad ng nasa coastal areas, barangay islands, tabing ilog at mababang lugar na direktang maapektuhan ng bagyo.
Ayon kay Mayor Fernandez, nakapre-position na ang mga rescue team at rescue vehicles, binuksan na rin ang mga 20 evacuation centers at mga eskwelahan na maaaring silungan ng mga residente.
Pinaghahanda rin ang mga Dagupeño sa posibleng pagkaputol ng kuryente, pagtatali ang mga bubong, paglalagay sa ligtas na lugar at hindi sa mga open space ang mga sasakyan, pag-iimbak ng pagkain na tatagal ng tatlong araw.
Bukod dito ay sinuspende na rin ang klase sa Setyembre 14 at 15 at pansamantalang isasara ang Tondaligan Beach dahil sa ipatutupad na No Swimming Policy simula bukas hanggang sa matapos ang hagupit ng bagyo.
Inactivate na rin ang mga Barangay Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) at quick reaction team na tututok sa panahon ng emergency.
Nanawagan na rin ang alkalde sa mga residente na gawin ang early evacuation at nakatakda ring ipatupad ang force evacuation upang tiyakin ang kaligtasan ng mga residente nasa mapanganib na lugar.
Hiniling din ng opisyal sa mga vendor at mga negosyante na iwasan ang pagsasamantala at huwag mag-overprice sa kanilang mga produkto habang humahagupit ang bagyo.
Samantala, ang mga residenteng mula sa isla ng Calmay ay nakahanda na rin umano sa paparating na bagyo.
Kabilang sa kanilang inihanda ay imbak na pagkain sa panahon ng pagtama ng kalamidad at nakatali na ang mga bubong ng kanilang bahay.
Hiniling din ng city government na iwasan ang pamumulitika sa pagtugon sa mga kailangan ng mga residente.