CAMILING, Tarlac (Eagle News) — Matapos na muling ibalik ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pananagutan sa pagsugpo sa iligal na droga sa mga kapulisan, muling nagbukas ng reformation center ang lokal na pamahalaan at Philippine National Police sa lugar.
Sa ginawang opening ceremony sa Bahay Pagbabago Reformation Center, naging panauhing tagapagsalita sina Police Senior Supt. Ritchie Medardo Posadas, Tarlac Police Provincial Director; Camiling Mayor Erlon Agustin; Department of the Interior and Local Government Officer Cherry Eve Mesina; Vice Mayor Jesus Corpuz at iba pa.
Si Police Chief Insp. Rustico Raposas, hepe ng Camiling PNP, ang nagbukas ng palatuntunan sa ginawang aktibidad.
Umaabot naman sa 30 ang bilang ng mga bagong drug surrenderee na nakatakdang magpa-rehabilitate para ayusin ang kanilang buhay.
Nanawagan naman si Mayor Erlon Agustin sa mga surrenderee, na kung sila’y makatapos na sa pagsusulit, ay huwag na umano silang bumalik sa mga maling gawain at pamumuhay, sa halip ay tuluyan nang magbagong-buhay.
(Eagle News Correspondent Aser Bulanadi)