(Eagle News) — Dinala na sa piskalya ang reklamo ng kampo ni vice presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kaugnay ng aniya’y iregularidad na nangyari sa nagdaang eleksyon.
Isinampa sa Manila City Prosecutor’s Office ng ABAKADA partylist representative at campaign adviser ni Marcos na si Jonathan dela Cruz ang kasong kriminal laban sa apat na opisyal ng smartmatic at tauhan ng Commission on Elections (Comelec) IT department.
Kabilang sa mga sinampahan ng reklamong paglabag sa anti-cybercrime law sina Marlon Garcia, technical team head ng Smartmatic; project director Ellie Moreno; technical team member Neil Baniqued at Comelec IT officer Rouie Peñalba.
Naniniwala ang kampo ni Marcos na may sabwatan na nangyari nang baguhin ang character sa script nang pahintulutan umano ng IT officer na makapasok sa system ang Smartmatic.
Sinasabing si Peñalba ang nagbigay ng password kay Garcia upang ma-access ang hash code sa transparency server kahit na walang pahintulot ng en banc.
Pero una nang itinanggi ng Comelec IT personnel na ibinigay umano ang password sa Smartmatic.
Sinusubok naman na makuha ang panig ng Smartmatic sa isinampang reklamo pero una nang sinabi ng kumpanya na handa umano silang makipagtulungan at tiniyak na hindi lalabas ng bansa ang ilan nilang opisyal na dawit sa akusasyon.
Patuloy namang umaasa ang kampo ni Marcos na pagbibigyan ang hirit na system audit sa mga server na ginamit noong halalan.
Mas malilinaw anila ang lahat kung magkakaroon ng audit sa mga certificate of canvass.
Samantala, binigyan na ng 15 araw ang Comelec law deparment para tapusin ang imbestigasyon nito sa breach of protocol ng Smartmatic.