Ni Jerold Tagbo
Eagle News Service
Pinangunahan ni Manila Mayor Joseph Estrada ang pagpapasinaya sa renovated na Quinta market sa Quiapo nitong Miyerkules.
Ang pagrenovate sa nasabing pamilihan ay bahagi ng programa ng lokal na pamahalaan na maisailalim sa rehabilitasyon ang mga merkado sa lungsod dahil sa karamihan sa mga ito ay luma na.
Mahigit p150 million ang ginastos ng pribadong sektor sa pagsasaayos ng nasabing palengke.
Pumasok ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa joint venture agreement sa Marketlife Management and Leasing Corp. para sa pagsasakatuparan ng nasabing proyekto.
Nilibot ni Estrada ang bagong pamilihan kung saan makabago ang amenities mula sa pwesto ng mga nagtitinda hanggang sa banyo, na ngayon ay may aircon na rin.
May fish port area rin ang nasabing palengke.
Bubuksan na rin sa publiko ang ferry terminal sa malapit.
Lalong malakas na negosyo sa Quiapo
Ayon sa alkalde, na nagdiwang din ng kanyang ika-80 kaarawan sa araw ng inagurasyon, inaasahan na mapapalakas pa ang pagnenegosyo sa Quiapo area dahil sa nirenovate na palengke.
“With a fish port and ferry terminal nearby, we will be able to attract traders and consumers from Metro Manila and nearby provinces, thus, boosting business in Quiapo and in the city as a whole,” sabi ni Estrada.
“This is what we’ve been envisioning – a modern, convenient mall and public market, both accessible by land and (via the) Pasig River,” aniya.
Tiniyak ng alkalde na hindi mataas ang babayaran ng mga umuupa sa kanilang pwesto sa renovated na Quinta Market.
“Pag-aari pa rin ito ng Maynila…protektado ang mga vendors,” pagtitiyak ni Estrada.
Una nang sumailalim sa rehabilitasyon ang mga pamilihan sa Sampaloc, Sta. Ana, at San Andres.
May ilan pang palengke sa lungsod ang sasailalim rin sa pagsasaayos.