(Eagle News) — Tetestigo si House Justice Committee Chairman Reynaldo Umali laban kay Senador Leila De Lima sa kasong disobedience to summons na nasa Branch 34 ng Quezon City Metropolitan Trial Court.
Sa June 9 itinakda ang unang araw ng paglilitis sa kaso ni De Lima.
Kinumpirma ni Umali na siya ang unang isasalang ng prosecution na saksi laban kay De Lima.
Sinabi ng kongresista na hindi naman niya ito maaaring balewalain dahil baka matulad siya sa senador na nakasuhan dahil sa pagbalewala sa official summon.
Partikular na tetestiguhan ni Umali ang mga nangyari noon sa Kamara nang imbestigahan nila ang NBP drug trade issue kung saan makailang ulit inimbitahan si De Lima pero hindi ito sumipot.
Gayundin ang pagkumpirma ng anak ni Ronnie Dayan na si Hanna Mae na sinabihan ni De Lima ang kanyang ama na huwag siputin ang Kamara sa kabila ng subpoena ng Justice Committee dahil pagpipiyestahan lamang umano sila ng mga kongresista.
Bago mag June 9, nakatakda munang maglabas ng desisyon ang Branch 34 ng QC-MTC ng resolusyon sa motion for reconsideration sa findings ng probable cause sa asunto ni De Lima.
Kung katigan ang mosyon nito, mababasura ang kanyang kaso pero kung hindi ay didiretso ito sa paglilitis.