(Eagle News) — Ibinigay ng National Museum sa pangangalaga ng Biodiversity Management Bureau (BMB), sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang replika ni “Lolong,” ang pinakamalaking buwaya sa buong mundo na nahuli sa karagatan ng Agusan del Sur noong 2011.
Nakuha ni Lolong ang titulo mula sa Guinness bilang pinakamalaking buwaya na nabihag, ngunit namatay rin ito noong 2013.
Ilalagak ang replika ni Lolong sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center sa Quezon City upang maging atraksyon sa madla.
Ginawa ang ceremonial takeover sa replika kasabay ng taunang pagdiriwang sa International Day of Biological Diversity (IDBD) kahapon, Mayo 22, sa Maynila.
Samantala, bilang bahagi ng selebrasyon ng IDBD ngayong taon, naglabas naman ang DENR ng ikalawang serye ng guidebooks ng Philippine-protected areas, nang sa gayon mabatid ng publiko ang kahalagahan ng mga protektadong lokasyon sa bansa.
“Ang aklat na ito ay isang paanyaya upang maglakbay,” pahayag ni BMB Officer -in-Charge Director Crisanta Marlene Rodriguez.
Ang replika ni Lolong ay isa sa mga tampok na atraksyon sa kabubukas lamang na National Museum of Natural History kung saan rin makikita ang prineserbang kalansay nito. Jodi Bustos