CARMEN, North Cotabato — Tinutugis na ng pambansang pulisya ang grupong nasa likod ng pagpapasabog sa dalawang tore ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Carmen, North Cotabato.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Carmen- Philippine National Police, gumamit ng improvised explosive device ang mga salarin mula sa 60 millimeter mortar, ito ay base na rin sa narekober na debris sa pinangyarihan ng pagsabog.
Bagamat pinasabugan, sinabi ni Chief Inspector Julius Malcontento, Hepe ng Carmen-PNP na nagawan pa rin ng paraan at nagagamit pa rin ang dalawang tore dahil bigo ang mga suspek na mapatumba ito.
Kasalukuyan nang kinukumpuni ang dalawang pinasabugang NGCP towers habang ipinagpapatuloy naman ng pulisya ang imbestigasyon sa insidente.
(Eagle News Service, Madelyn Villar)