Eagle News — Kaugnay sa ika-102 anibersaryo ng Iglesia Ni Cristo ay nagsagawa ang mga kaanib nito sa kanlurang bahagi ng Leyte ng isang aktibidad na tinatawag nilang “Run to Celebration”. Sabay-sabay nila itong isinagawa sa limang dako na sentro ng kanilang mga sub-district na kinabibilangan ng Ormoc City, Baybay City, Isabe, Villaba at Naval.
Alas 4:00 ng madaling araw nitong Martes ay nagsipagdatingan na sila sa kani-kanilang mga dako. Bago nila sinimulan ang pagtakbo ng tatlong kilometro ay nagsagawa muna ng warm-up sa pamamagitan ng zumba o isang dance fitness program upang maigayak ang mga mananakbo.
Bakas ang kagalakan sa mga kaanib ng INC sa nasabing aktibidad dahil hindi lang nila naipapahayag ang kanilang taos-pusong pakikipagkaisa sa pagdiriwang ng ika-102 anibersaryo kundi para din sa kalusugan ng kanilang katawan.
Samantala, nakakatawag din ng pansin ang paglahok ng mga pulis ng lungsod ng Baybay sa isinagawang zumba sa Veteran’s Plaza ng Baybay City.
(Eagle News Dan Pascua – Baybay City Correspondent)