Sa botong 5-4, SET ibinasura ang disqualification case vs Poe

 

By Jerold Tagbo

Eagle News Service

 

(Eagle News) — Sa botong 5-4, ibinasura ng Senate Electoral Tribunal ang petisyong isinampa ni Rizalito David na idiskwalipika sa pagka-senador si senadora Grace Poe.

Mayorya ng mga bumoto sa pagbasura ng nasabing petisyon ay mga kasamahan mismo ni Poe sa senado na sina senators Pia Cayetano, Loren Legarda, Cynthia Villar, Bam Aquino, at Vicente Sotto III.

Habang tatlong mahistrado ng Korte Suprema na kinabibilangan nina Senior Associate Justice Antonio Carpio, Associate Justices Teresita Leonardo-De Castro at Arturo Brion  at si Senadora Nancy Binay ang nagsabing dapat ma-diskwalipika si Poe sa kanyang puwesto.

Closed door ang sesyon ng SET at naghintay ng ilang oras ang media sa labas ng Manila Polo Club kung saan isinagawa ang botohan.

Ayon kay Legarda, wala ng nangyaring debate at naging maayos ang botohan ng mga miyembro ng SET.

Hindi umano naging madali ang pagbaba nila ng hatol  at kinailangan na pag-aralang mabuti ang isinampang petisyon.

Pero ang isinaalang-alang aniya ng limang senador sa botohan ang estado ng mga foundling o hindi alam kung sino ang kanilang mga magulang.

Naniniwala si legarda na may legal at political implications ang desisyon ng SET.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang iba pang miyembro ng tribunal dahil sa may 10 araw pa para magsumite ng motion for reconsideration ang petitioner.

Sa ipinadalang statement, sinabi ni Senator Cayetano na ihahayag niya sa publiko ang kanyang hiwalay na opinyon hinggil sa kaso.

“The  case is still pending with us given that the petitioner has a right to  file a motion for reconsideration. But I have a separate opinion explaining my vote which will be made available to the public soon,” ayon pa sa kanyang statement.

Muling diringgin ng SET ang anumang isasampang petisyon bago ang promulgasyon ng pinal na desisyon na maaring ilabas bago mag Disyembre 10.

Una nang sinabi ni Carpio na maituturing lamang na naturalized citizen si Poe at hindi natural born.

Masasabi lamang aniya na natural born si Poe kung mapapatunayan nito na Pilipino ang kanyang mga magulang.

Subalit binigyang-diin ng kampo ng senadora na maituturing siyang  natural born sang-ayon sa 1935 Constitution at sa ilang international law patungkol sa mga foundling.

Iginiit naman ni Senadora Nancy Binay na hindi umano ang kandidatura ng kanyang ama sa pagkapangulo ang dahilan kung bakit bumoto siya para i-disqualify si Poe.

Aniya, ibinase niya ang pagboto sa mga ebidensyang iprinisenta at kung ano ang nilalaman ng Konstitusyon.

“This case is not about my father or the presidential election. This is about the provisions of the Constitution which each and every Filipino must uphold,” ayon pa kay Binay.

Ang kampo naman ni Vice President Binay, nirerespeto ang desisyon ng SET.

Sinasabing isa sa mga mahihigpit na makakalaban ni Poe sa eleksyon 2016 si Binay.

“The SET has already decided on the matter. The Vice President enjoins everyone to respect the decision,” said Atty. Rico Quicho, ang vice presidential spokesperson for political affairs

Sa panig ng mga naghain ng diskwalipikasyon, hindi pa raw tapos ang laban.

Sa pahayag ni Atty. Manuelito Luna, legal counsel ni David, posibleng dalhin nila sa Korte Suprema ang naging pasya ng SET.

Maliban sa disqualification case sa Senate Electoral Tribunal, may apat pang kaso ang kinakaharap ni Poe sa Commission on Elections (Comelec).  (Eagle News Service)

Related Post

This website uses cookies.