Sa ika-100 araw ng quarantine ng PHL, DOH sinabing marami pang dapat husayin sa kanilang sistema

https://youtu.be/DFO9E6bgRLg

 

Ni Madelyn Villar Moratillo
Eagle News Service

 

(Eagle News) — Sa pagsapit sa ika-100 araw ng umiiral na community quarantine sa bansa, aminado ang Department of Health na marami pa silang dapat na paghusayin pagdating sa pagtugon sa COVID-19.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, marami rin silang nakitang mga kahinaan sa kanilang pinatutupad na sistema.

Binanggit din nya na ang virus situation ay nananatiling “evolving” kaya’t marami pa rin ang kanilang natutuklasan sa paglipas ng panahon ukol sa COVID-19.

Sinabi pa niyang nais ng DOH na lubusang gawing automated lahat ng kanilang information system upang mas mapag-aralan nila ang mga datos nito.

Tumataas naman na ng testing capacity ng bansa. Sa katunayan, umaabot na ang DOH sa average na 12,000  hanggang 13,000 na tests kada linggo. At noong Hunyo 17, umabot sila sa pinakamataas ng 16,000 testing output, sabi pa ni Vergeire.

Patuloy rin ang pagdaragdag ng mga licensed COVID-19 laboratories. Sa katunayan, mayroon nang 65 certified COVID-19 laboratories sa bansa.

Dahil dito ay tumataas na rin ang bilang ng mga COVID-19 cases na nairereport sa bansa.

Sa ngayon, sinabi ni Vergeire na bumabagal ang pagdami ng bilang ng virus infection sa bansa na nasa 7.26 days na habang ang critical care utilization naman ay nasa 35%.

Nitong Marso 16, unang isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa enhanced community quarantine (ECQ) ang buong Luzon dahil sa COVID-19 pandemic.

(Eagle News Service)