SAF troopers na sumabak sa bakbakan sa Marawi, binigyan ng heroes’ welcome

(Eagle News) — Mainit na pagbati at pasasalamat ang sumalubong sa halos dalawang daang Special Action Force (SAF) trooper mula sa Marawi City sa kanilang pagbabalik sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.

Ang mga residente, matiyagang nag-abang sa kalsada para masilayan ang pagdaan ng mga nagmamartsang SAF.

Kanya-kanya sila ng diskarte sa pagpapaabot sa pagsasalamat habang iwinawagayway ang mga hawak na bandila.

Pagdating sa kampo, mainit din silang sinalubong ng mga kapwa pulis at kanilang mga kamag-anak.

Sa halos limangdaang SAF contingent na idineploy sa Marawi City, animnapu sa kanila ang nasugatan habang apat naman ang nasawi.

Sa talumpati ni Philippine National Police Chief Ronald Dela Rosa, hindi nya naiwasang maging emosyonal habang pinasasalamatan ang kanyang mga tauhan.

Sa gitna ng programa, binigyan ng 1 Rank Meritorious Promotion ang lahat ng SAF na idineploy sa Marawi.

Pero hindi kasama rito ang kanilang mga opisyal na may ranggong Police Superintendent pataas dahil kailangan anila silang dumaan sa proseso.

Binigyan din ni Dela Rosa ng isang buwang bakasyon ang mga SAF trooper para makapagpahinga at makasama ang kanilang pamilya.

Tuloy rin daw ang pangako ni Dela Rosa sa SAF na ililibre niya ang mga ito ng bulalo sa Tagaytay City.

(Eagle News Service, Mar Gabriel)

Related Post

This website uses cookies.