Safety and Health seminar, dinaluhan ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo sa Puerto Princesa, Palawan

PUERTO PRINCESA, Palawan (Eagle News) – Nagsagawa ng Safety & Health Seminar ang mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo sa Hilagang bahagi ng Palawan. Isinagawa ito sa  Pilot Elementary School sa lungsod ng Puerto Princesa kung saan dinaluhan ito ng hindi bababa sa 400 na mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo.

Ang aktibidad ay dahil na rin sa sunud-sunod na mga kalamidad at sakuna sa iba’t-ibang panig ng bansa. Kaya patuloy ang INC sa paglulunsad ng mga programa na makakatulong hindi lamang sa mga kaanib nito kundi sa lahat ng mga mamamayan. Lalo na ang mga nangangailangan ng pagdamay at tulong bilang bahagi ng social responsibility and social concern.

Kamakailan lamang ay naglunsad muli ng Safety & Health Seminar ang mga kinatawan ng Social Services Office ng INC na mula sa Central Office nito sa Quezon City. Ito ay pinangunahan ni SSO Office Head Bro. Ricky Miranda, kasama ang ilang mga professional doctor and staff na mula sa iba’t ibang sangay ng medisina.

Layunin ng isinagawang seminar na mapataas ang antas ng kamalayan, kasanayan at kakayahan ng bawat miyembro ng INC sa pagtulong sa mga nangangailangan sa mga panahong may kalamidad at sakuna na napapanahon sa kasalukuyan, lalo higit ng kanilang mga mahal sa buhay.

Pangunahing itinuro sa lahat ng mga dumalo ang responsibilidad ng bawat isa bilang isang mamamayan sa lipunan na may malasakit sa kapwa. Sa kabuuan ng isinagawang seminar ay itinuro din ang pangunahing kaalaman sa paglalapat ng pang-unang lunas sa mga makararanas ng anumang uri ng sakuna o maging sa naramdaman.

Labis naman ang pasasalamat ng mga nakadalo dahil bawat isa ay nagkaroon ng aktuwal na partisipasyon sa seminar sa mga kaalamang naibahagi sa kanila.

Anne Ramos – EBC Correspondent Puerto Princesa,  Palawan