By Meanne Corvera
Eagle News News
(Eagle News) — Kasabay ng pina-igting na kampanya ng Philippine National police (PNP) laban sa mga gumagamit at nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot, muling binuksan ni Senador Cynthia Villar ang agriculture training program para sa mga drug surrenderee.
Ang mahigit isaandaang drug surenderees mula sa Cavite, Las Piñas at Paranaque ay sasailalim sa labindalawang linggong pagsasanay sa urban farming.
Ayon kay Villar, sakop ng community based o Sagip Bukas Program ang mga drug addict na pumasa sa pagsusuri ng Department of Health at kaya pang isailalim sa rehabilitasyon.
Bago sumalang sa urban agriculture, kailangang nakatapos muna ng tatlong sesyon ng values formation sa kanilang mga baranggay.
Bukod sa pagtatanim, tuturuan din sila ng DOH at Department of Justice ng tamang pangangalaga sa katawan at mga kasong maaring kaharapin dahil sa paggamit ng droga.
Bukas ang programa sa lahat ng local government units lalo na ang mga komunidad na may mataas na bilang ng drug surrenderees.
Kinumpirma naman ng Deparment of Interior and Local Government na mag-iisyu sila ng circular sa mga siyudad at mga baranggay na para obligahin ang mga drug surenderee na sumailalim sa community based rehab.
Sa kasalukuyan daw kasi, umaabot na sa 1.2 milyon ang mga drug user at dependents na sumuko sa pamahalaan.
Ito’y para matiyak na hindi na sila babalik sa paggamit o pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.
Sa ngayon, bukod sa malaking drug rehabilitaton center sa Nueva Ecija, lumagda na aniya ang DILG sa isang memorandum of agreement sa China para makapagpatayo ng drug rehabilitation center sa Agusan Del Sur at General Santos City.