Sahod ng mga kasambahay sa MIMAROPA, tinaasan

PUERTO PRINCESA, Palawan (Eagle News) – Tinaasan na at pinagpantay ang buwanang pasahod para sa mga kasambahay sa buong Mimaropa.

Ito ay alinsunod sa ipinalabas na Wage Order ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng rehiyon.

Nakasaad sa nasabing wage order na ang mga kasambahay, mapa-live-in o mapa-live-out ay tatanggap ng Php 2,500 o karagdagang Php 500 kung sila ay nagtatrabaho sa chartered city at mga 1st class municipality na sumasahod ng Php 2,000 kada buwan.

Karagdagang Php 1,000 naman ang matatanggap ng mga kasambahay na nagtatrabaho sa iba pang munisipalidad na sumasahod noon ng Php 1,500 sa bawat buwan.

Kung ang dating pasahod ay nakabatay sa minimum rate na itinakda ng Batas Kasambahay, ang bagong pasahod ay ibinatay naman sa mga konsultasyong idinaos noong 2016 sa Occidental Mindoro, Marinduque at Palawan at nito lamang taon sa Oriental Mindoro at Romblon.

Saklaw ng bagong wage order ang mga domestic worker na nagbibigay serbisyo tulad ng paghahardinero, pagyaya ng bata, pagluluto, paglalaba at iba pang pangkalahatang paninilbihan sa pamilya.

Subalit ang mga family driver, service provider, mga batang nasa ilalim ng foster family program at iba pang tao na paminsan-minsan lang magtrabaho sa pamilya ay hindi saklaw nito.

Samantala, paalala ng Department of Labor and Employment na hindi magiging sagabal ang wage order sa mga among nagnanais magbigay ng umento batay sa kakayahan ng kanilang kasambahay.

Hindi aniya ito maaring pagbatayan para bawasan naman ang mga pinaiiral na pasahod o kaya pigilan ang mga kasambahay na makipag-negosasyon sa kanilang mga amo para sa mas mataas na pasahod.

Anne Ramos – Eagle News Correspondent, Palawan

Related Post

This website uses cookies.