(Eagle News) — Ngayong panahon ng tag-init ay hindi pa rin tayo ligtas sa mga sakit at kondisyong nakukuha sa pabagu-bagong panahon.
Iba-ibang temperatura rin ang ating nararanasan araw-araw na nakaka-apekto sa ating kalusugan.
Narito ang mga sakit na dapat nating iwasan para hindi masira ang plano natin ngayong summer!
Una sa listahan ay ang sunburn.
Ilan sa ating mga kababayang Pilipino ay nakapag-swimming na at nagbabalak pa lang na maligo sa beach.
Ngunit hinay-hinay lang dahil baka masobrahan sa pagkasunog ang ating balat dahil sa tindi ng init ng araw.
Hindi lang ito nakukuha ng mga bakasyonista kundi ng mga nagtatrabaho sa ilalim ng sikat ng araw.
Kaya naman payo ng mga dermatologist, gumamit ng proteksyon sa balat gaya ng sunblock.
Hindi ito dapat balewalain dahil ang sunburn at maaaring humantong sa skin cancer.
Sumunod rito ay ang bungang araw.
Na kung saan nagkakaroon ng butlig-butlig na may kasamang pangangati at paghapdi ang ating balat.
Ito ay nakukuha sa dumi o bacteria na bumabara sa labasan ng ating mga pawis.
Nakukuha ito dahil sa maalinsangang panahon.
Ikatlo ay ang heatstroke na isa sa pinaka-nakakabahalang sakit na pwedeng maranasan sa sobrang init ng panahon.
Nakaka-apekto kasi ang sobrang init sa temperatura ng katawan kaya naman hindi magiging maayos ang sistema ng katawan lalo na sa utak.
Nakakabahala ito dahil posibleng maapektuhan ang ilang organ ng katawan na nagiging sanhi ng pagkawala ng malay at pagkamatay.
Sumunod ay ang dehydration o pagkawala ng tubig sa katawan.
Isa rin itong seryosong kondisyon dahil nakakamatay ang dehydration.
Ugaliing uminom palagi ng tubig at iwasang mamalagi ng matagal sa labas ng bahay. Karaniwan ding nararamdaman tuwing tag-init ang pagkahilo sa biyahe.
Minsan pa nga ay may kasama itong pagsusuka, pagkaliyo at pananakit ng ulo.
Agapan ito sa paraang uminom ng mabisang gamot para sa sakit ng ulo bago bumiyahe para magbakasyon.
Sa pagligo din sa mga public pool ay hindi tayo makaka-iwas mga fungi sa balat tulad ng an-an, buni at hadhad.
Ugaliing maligo o magbanlaw pagkatapos mag-swimming para malinis at maalis ang bacteriang dumikit sa ating katawan.
Sa panahon ng tag-init ay tumataas rin ang kaso ng pagkalason o food poisoning.
Mabilis dumami ang bacteria sa mga pagkain tuwing tag-init, kung ito ay napabayaan ay posibleng sumakit ang tiyan, mag-tae at magsuka ang taong nakakain ng napabayaang pagkain.
Hindi rin tayo makakaligtas sa sipon at ubo dahil may pagkakataon na kahit mainit ang panahon ay mga minsanang pag-ulan.
Manatili muna sa loob ng bahay at ugaliing maghugas ng kamay para hindi makahawa.
Kinatatakutan din tuwing summer ang pagkakaroon ng bulutong o chicken pox.
Madali itong makahawa kaya pinapayuhang i-isolate sa isang kwarto ang taong mayroon nito.
Tumatagal ito ng linggo na may kasamang lagnat.
Kaya naman payo ng mga eksperto, agapan ito sa paraang magpabakuna at kumonsulta sa doktor.
Ilan lamang ito sa mga sakit ngayong tag-init, kaya para sa isang masayang bakasyon na iwas sa sakit. Huwag pabayaan ang sarili at ugaliing malinis ang ating kapaligiran. Cess Alvarez