PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (Eagle News) – Tuwing panahon ng summer ay inaasahan na marami ang mga bakasyunistang dumadayo sa mga naggagandahang beaches sa Palawan dahil sa malinaw at mala-kristal na tubig sa karagatan. Kasabay ng pagdami ng mga bakasyunista ay ang pagtaas din ng porsyento ng mga nalulunod sa karagatan sanhi sa hindi marunong lumanggoy o iba pang bagay. Sa nakaraang buwan ay marami ang naitalang kaso ng pagkalunod at may namatay din bunga ng nasabing insidente.
Upang malunasan ang ganitong mga kaso ay nagsagawa ng seminar ang Department of Health na may temang “Save a Life, Learn CPR.” Isinagawa ito noong Biyernes, Mayo 19, sa Ospital ng Palawan Auditorium.
Pangunahing hinimok na makadalo at mag-participate sa nasabing training/seminar ang mga kawani ng Ospital ng Palawan. Kasama rin ang lahat ng mga tour guide, lifeguards, boatman at staff ng resort beaches dahil sila ang madalas na nakaka-engkwentro ng mga insidente ng pagkalunod. Itinuro sa kanila ang tamang paraan ng pagbibigay ng BLS-CPR sa mga taong nangangailangan nito bilang paunang lunas (first aid) sa mga ganitong uri ng insidente.
Matapos ang isinagawang seminar ay pinagkalooban ng certificate ang mga nakilahok bilang pagkilala sa kanilang ginawang pakikiisa sa mga ganitong educational seminar.
Anne Ramos at Jupiter Almoroto – EBC Correspondents, Palawan