SC pinagtibay ang desisyon sa pag-imprenta ng voters’ receipt para sa May 9 polls

vlcsnap-2016-03-17-18h14m36s191
Supreme Court Public Information Office chief Atty. Theodore Te announcing the SC decision on the voters’ receipt. (Eagle News Service)

Ni Erwin Temperante

(Eagle News) — Pinagtibay ng Supreme Court ang naunang desisyon nito kaugnay sa pag-imprenta ng Commission on Elections (COMELEC) ng voters’ receipt sa May 9 elections.

Sa botong 12-0, pinagtibay ng Korte Suprema ang naunang desisyon na nag-aatas sa COMELEC na mag-imprenta ng voters’ receipt.

Ito’y matapos ang oral argument na ginawa kaninang umaga.

Apat na beses sinubukan ng COMELEC na mag imprenta ng voters’ receipts sa harap ng mga mahistrado ng Korte Suprema at wala itong naging aberya kagaya ng iginiit ng poll body.

Tugon ito ng SC sa hiling na payagang maipakita ang aktwal na pag-iimprenta ng resibo sa oral arguments ngayong araw.

Paglalarawan ni dating Senador Dick Gordon at isa sa petitioner ng pag-iisyu ng voters’ verified paper audit trail, nagdadahilan lang ang COMELEC sa pagsasabing kakapusin sila sa oras kung kanilang susundin ang utos ng Korte Suprema.

https://youtu.be/TGwh03WDwZQ

Aminado ang  COMELEC na  kaya namang mag-imprenta ng voters’ receipts ang lahat ng VCM na gagamitin sa halalan sa Mayo.

Ngunit kinakailangan umanong galawin ang source code nito upang maisama ang security features sa resibo kagaya ng precint number.

Sa bagay na ito,  niliwanag ni Justice Marvic Leonen sa COMELEC ang kanilang kautusan na mag-imprenta ng resibo at hindi na kailangan pa ng galawin ang source code na siyang idinadahilan ng COMELEC para di matuloy ang eleksiyon sa Mayo.

Dagdag pa ng mahistrado, maaari lamang magkansela ng eleksyon sa isang lugar kung may banta ng terorismo o kaguluhan.

Wala ring nakasaad sa batas na nagsasabing alas siete ng umaga magsisimula at hanggang alas-singko ng hapon lamang maaaring isagawa ang botohan.

Matapos marining ang dalawang panig, sa botong 12-0 ibinasura ng Korte Suprema ang mosyon ng COMELEC sa pagpapatupad sa pag-iimprenta ng resibo.

Samantala kasabay ng oral argument sa usapin ng pagiimprenta ng resibo, nagkilos protesta ang mga militanteng grupo sa harap ng tanggapan ng SC na sumusuporta sa unang decision ng High Court.  (Eagle News Service)